Oct 8, 2005

Maalaala Mo Kaya. . .

kagagaling lang ng grupo sa gulugod babsie, dito nag celebrate ng 1st aniv ng ADTREK at birthday ni el presidente babsie. masaya ang naging pagdiriwang. maraming dumalo, members at guests.

tayo'y magbalik tanaw sa pinagmulan ng ADTREK...

taong 1999, unang nagsulputan sa analog ang iba't ibang group na mahilig mamumundok. mga tropa tropang umaakyat, mga freelancer ba. at ang mga hiwa hiwalay na grupo ay nagkasama sama sa iisang akyat, mt. marivelez-tarak ridge, september 2001. simula nun ay nagkaruon na ng iisang samahan ng mga umaakyat, pero freelancer pa rin sila.



may 29-30, 2005 - isang akyat sa mt. sembrano ang syang magiging simula para sa ADTREK. habang masayang nag-iinuman ng bilog sa summit ay nagpag-usapan ang pagtatayo nga ng isang mountaineering group sa analog. dahil sa dumarami na raw ang nagkakainteres sa pamumundok, panahon na upang may isang samahan na syang mangagalaga at magtuturo sa mga baguhang nais ding maranasan ang buhay bundok. sa simula'y inisip ng ilan na isa lamang itong usapang lasing at lilipas din pag natauhan na. ngunit sa kanilang pagbalik sa trabaho ay sadyang sineryoso ng bawat isa sa climb na yun ang napag-usapan. nagsimula na ang mga pagpaplano.



sa araw ng pagdating ng bopek sa pinas galing offshore ay bumiyahe ang grupo papuntang mt. pulag. nasa erport na siya nung pasakay kami ng bus at inaya pa naming dumiretso sa pasay terminal at dalhin ang bagahe sa bundok hahaha! pass daw muna siya... ang unang batch ay tinahak ang akiki trail samantalang sumunod ang pangalawang batch sa ambangeg trail.



sa ilang ulit na pagmi-meeting ay maraming pangalan ng group ang iminungkahi, nariyan ang angas daw mountaineering group, at kung anu-ano pa. pero ang paborito ko ay ang KUPAL - Kapatiran Upang Palaganapin Ang Love, courtesy of tuod at angas1, pero ang nanalo ay ang ADTREK, courtesy of kikay.

habang binubuo pa ang group ay patuloy pa rin ang mga akyatan. marahil ay upang makakuha pa ng ilang idea kung ano ang kalalabasan ng ADTREK. nariyan ang muling pagbabalik sa tarak nuong july 24-25, 2004, na ginawa na ring birthday celebration ni jersom at jorge.



sinundan ng corregidor island (pang wow philippines na tripping) nuong july 31-aug.1 '04, dito nasaksihan ng lahat kung pano matakot ang dalawa sa pinakamaligalig sa group. sobrang tapang ni william hunghang at tuod sa luob ng malinta tunnel.



at talaga yatang mga addict ang mga ito, taal volcano naman ang sunud na pinuntahan makalipas lamang ang isang linggo. dito naman nakilala sina DM's, TUOD, Babsie at BOPEK. nakita nyo sana kung pano manakbo ang isang napaka-matipunong lalaki ng ito'y habulin ng babsie na may bitbit na uod, wahihihihi. itinapon ang tubig para lang di abutan ng uod. dito rin nagkaroon ng world record sa dami ng bitbit na tubig ng iisang tao lamang. ang sabi po namin ay 5L per head ang dadalhin, pero yung isang baguhan medyo maangas, 5 gal ang dinala. panis!!!!



at pormal ngang inilunsad ang gupo sa mismong kaarawan ng ating butihing pangulong babsie. dito ipinaalam ang lahat ng dapat malaman ng bawat isa, o nalaman nyo ba kung ano yun? may isa kaming kasamahan, hindi pa raw napapatumba ng kahit anung alak, kaya nakipagpustahan pa. tinamaan yata ng karma, ayun, bumigay.... ano kanyo? hindi karma ang tumama? e ano? .... pakilakasan lang para marinig din ng iba.... 1877!!!!!!! aaaaahhh, yun pala ang tumama. sabi nya, tyamba lang daw yun.



at para pormal na masimulan ang grupo, nagkaruon ng BMC. ano? hanggang ngayon e di mo pa alam ang BMC? search ka sa google, malalaman mo rin yun.



anyways, matapos ang ilang linggong lecture, sugod sa makiling ang karamihan para sa kanilang training climb. nakampu naman yung naging climb namin... masyadong pahirap. kung ilang daang taon yata walang gumamit nung trail na dinaanan namin paakyat. ikaw na gumapang sa mga damuhan, ugat at sanga ng puno habang medyo umuulan. tapos, pagdating mo sa campsite e may mga nag-aabang na limatik. pero tulad ng inaasahan, nalampasan din ng adtrek ang climb na ito.



napagkasunduan ng mga kumag na akyatin ang halcon bilang unang major climb matapos ang bmc. pero bago yun, kailangan daw ng preparation. matinding preparation. kaya ang mga adik na organizer, nagpa-double traverse sa maculot. ano naman ibig sabihin nun? basahin mo 'to.... ang kikay, bumigay ang tuhod. nadurog yata sa kaangasan. yung isa naman nawala daw ang ankle nya, pati daw auntie nya e nawala din.



d-day ng halcon, sugod ang grupo sa mindoro. organized ang lakad na iyon. pero merong hindi nakisama. biglang sumama ang panahon nung nagsisismula pa lang ang trek. kaya ang nangyari, 16 hours wet, 8 hours dry kami buong panahon namin na nasa luob kami ng bundok halcon. hindi na rin namin nagawang abutin ang tuktok nito dahil sa isang di inaasahang pagkakataon. may isang nanghina yata ang tuhod at medyo nadulas. medyo lang naman. kailangan lang naman bitbitin pababa yung tao. mabuti na nga lang at nadulas sya. i mean, blessing in disguise yung nangyari sa kanya. dahil nung bitbit na sya pabalik ng campsite, muling bumuhos ang ulan at hindi ma muling humupa. at kung itinuloy namin yun, tingin ko, may mas matinding masasaktan sa amin. ito ang kauna unahang pagkabigong maabot ng grupo ang summit. kaya pinangalanan ang climb na ito na halfcon climb. dahil kalahati nga lamng ang naabot. at ang lahat ay nagsabing, "we shall return". at ang isa pa nga ay nangakong di magpapagupit hanggang di nya nararating ang summit nito.



masyadong dinibdib ng bawat isa ang kasawian sa halfcon, deng!! pang drama sa AM station ah. matagal din bago nasundan ang lakad na iyon. next destination... mt. manabo, day hike/fun climb daw. akala ng lahat ay magiging maganda ang climb na ito, ngunit subalit, kabaligtaran ang nangyari, buong maghapong bumubuhos ang ulan. ang iba nga ay trash bag ang gamit na kapote, wala kasing dalang payong o kapote ang iba, kasi nga fun climb daw ito at day hike lang. kaya binansagan ang climb na 'to na mt. malabo day hike....



dumating ang apat na sunud sunod na bagyo dito sa pinas, marami sa ating mga kababayan ang nasalanta, bilang tugon sa panawagan ng ilang ahensya at pribadong sektor, ilan sa mga myembro ang naglaan ng kanilang oras at pagod bilang mga volunteers. ang ilan sa kanila ay napunta ng bulacan at bicol upang tumulong sa pamamahagi ng relief goods. meron din namng tumulong sa pagrerepack ng mga damit at pagkain na ipapamahagi.



pagpasok ng 2005, rumatsada sa pag-akyat ang grupo. 2 beses isang buwan sa luob ng kalahating taon, happppettttt!!! sinimulan ang bagong taon sa pag-akyat sa mt. marami. bago lang ang lahat sa lugar na 'to. itong isang katoto, best climb ever daw nya dito. pano ba naman, every 15min trek e 5min rest, kahit na sa patag na daan ha. masyadong isinapuso ang natutunan sa BMC, at least this part, bwhahahah... kaya pala mt. marami ang tawag dito e sa dami ng trail na pwedeng daanan at pwedeng pagligawan. at mukhang marami ring nice people around.



next stop, birthday climb ng ating secretary este PRO pala, minsan kasi paring chicks to, at kung minsan, masahol pa sa babae kung mag-inarte. wag nyong sasabihing nabasa nyo dito ha. sagot nga nya ang halos lahat ng gastos sa pico de loro. medyo maaangas kaya inakyat pati yung tuka ng loro kahit medyo gumagabi na, pati yung mga takot sa height(yung may best climb ever sa marami), ay walang nagawa kundi ang umakyat din. matindi ang pagkabangag mga tao dito. bakit? akalain nyo ba namang di na pwedeng magsalita ng tagalog nung simulan ng tagayin ang 1877.



di pa man nakakaisang taon ang grupo, nagkaruon na agad ng 2nd batch BMC training nung february 2005. marami ang mga sumali, may mga active at inactive at may mga maraming dahilan (dala lang daw ng pagkakataon kaya pagbigyan natin sila, heheheh).... peace.... first climb ng batch 2 ay sa manabo... pero medyo malas ang grupong ito... bumuhos ang ulan bago pa man sila makarating sa summit. di tuloy natuloy yung parlor games na inihanda ni kikay, dyan pa naman magaling yung taong yun.pero naging masaya pa rin naman kahit paano ang climb na ito.



naalala nyo pa ba ang grupong nagwika ng "we shall return"? eto na, muli ngang sinubukang akyatin ang mailap na mt. halcon. sa simula pa lamang ng akyat ay maganda na ang ipinapakitang chance. mainit, clear ang kalangitan at walang limatik. sayang at di sumama sina tuod at horhe. isa lang ang naging problema, kinulang sa bigas! nakampu! bakit nangyari yun? ewwan ko, ewan nya... basta nagkulang ang bigas. buti na lang may mga guide na mangyan na napakiusapang bumaba para bumili ng bigas at ilan pang supply at magkikita na lang muli sa aplaya campsite kinabukasan. dito naranasan ang takal takal na kanin, pero at least sagana sa ulam. hindi na dapat maulit 'to... pero buti na nga lang at narating ang summit bago mag sunset kaya panalong panalo ang inabutang view. kaya ng pababa na, ginupitan na si choco at sa manila na lang daw nya ipapaayos yung buhok nya.



one week after ng matagumpay na halcon climb, makiling traverse naman para sa batch2. 2 lang sa batch 1 ang nakasama. at tulad ng unang akyat ng batch2 sa manabo, inulan pa rin, may malas talaga sa isa sa mga ito, sino kaya? sinong may balat!!!??? pero akalain nyo, nung makababa kinabakusan sa UPLB side, e napakaaraw at clear na clear sa summit. talaga lang siguro may malas sa kanila.



isang buwan din bago nasundan ang makiling climb, birthday climb naman ni bopek sa gulugod babsie. marami rin ang sumama at may dala pang cake, courtesy of phillip. dito, 1877 pa rin ang baon, iyo pa bang naalala ang taong ibinagsak ng 1877 nung general assembly ng adtrek? akala nga namin at dahil nga sabi nya e tsamba daw, inom uli sya nito. pero wow!!!! talaga yatang mortal na kaaway nya ang alak na ito. muli na naman syang ibinagsak. tsk tsk tsk, sadyang ang bawat tao ay may katapat.



dahil sa isang napakagandang pagkakataon, nagplano ang ang ilan sa grupo na akyatin na ang mt. kinabalu. ikaw ba naman, less than 3k ang pamasahe round trip, palalagpasin mo pa ba naman yun? kaya nga todo todo ang paghahanda nila na sinimulan bandang april pa lang... awa naman ni kulafu, natuloy din at naging successful ang mt. kinabalu climb ng ating 7 members at isang guest. sadyang maraming magagandang pangyayari at ilang di kagandahang karanasan sa trip na 'to. pero ang pinakagusto ng karamihan ay ang nabuong "lovers in kinabalu". at nabuo rin dito ang bagong motto ng ilan sa tuwing sila'y nahihirapan sa pag-akyat. "it's a walk in a park... mt. kinabalu park". heheheh!!!! teka, teka... hindi mo pa alam kung nasan ang kinabalu? naman!? hindi nga? seryoso ka? di mo pa talaga alam kung nasan yun? ito daw ang highest mountain sa southeast asia na may taas na 4095.2MASL. ito'y matatagpuan sa ranau, sabah malaysia. i-google earth mo at i-check ang coordinates na ito, 6 04 13.37N 116 33 35.56E



ngayon, sino nga ba ang mga ito na kung tawagin ang kanilang grupo ay ADTREK? sila ba ay mga taong sawa na sa maingay na buhay sa kapatagan? mga taong gustong lumanghap ng sariwang hangin kahit sa luob lamang ng ilang araw? mga taong nais magbawas ng stress sa trabaho? ano man ang sagot nila, isa lamang ang tiyak natin, lalo na ng mga nakasama na ng ADTREK sa climb. sila ay mga taong pinagbuklod ng isang paghahanap. paghahanap ng isang mapayapang lugar, isang lugar dito sa lupa kung saan ay maari nilang pagmasdan ang malawak na kagandahan ng ating kapaligiran na likha ng nasa itaas. mga taong nais ibahagi ang kanilang mga karanasan sa bundok sa pamamagitan ng kanilang masasayang kwento na sinamahan pa ng sandamkmak na larawan. mga taong nag-iisip kung hangang saan ang pisikal at sikolohikal na paghihirap na kakayanin nila. sabi ng marami, mahirap daw ang umakyat ng bundok. tama sila. mountaineering is the art of suffering (lalo na pag naakyat mo na ang halcon). ngunit sa bawat hirap na nararanasan ng bawat isa sa tuwing umaakyat, sa matinding sikat man ng araw o sa walang humpay na buhos ng ulan, may kaginhawahang nadarama ang bawat isa kanila. ngunit kung magkaminsan, sadyang mahirap ipaliwanag sa iba. mas makabubuting subukan nyong sumama o subukang umakyat ng inyong malaman.



sila rin ang mga taong ayaw ng muling maranasan ang masaklap na mt. napulauan climb. kapag tinanung mo ang karamihan sa kanila kung anu ang pinaka pahirap at pasaway na climb ay ito ang laging kanilang tinutukoy.

maangas nga ba ang ADTREK tulad ng una nilang ipinangalan sa grupo nila? sa ganang akin, ewan ko lang sa inyo, hindi naman. maaring maligalig, makulit, masayahin, malakas mang-asar nga ang karamihan sa kanila. ngunit ito'y tanda lamang ng isang bagay, malalim na ang pinagsamahan ng bawat isa sa grupo. bakit? ikaw ba, kaya mo bang mangulit at manarantado ng di mo kakilala? wag kang pilosopo ha, alam kong pwede mong gawin yung kung talagang may sapak ka sa ulo. pero kung ikaw ay matinong tao, hindi natin magagawang biruin o kulitin ang isang taong di naman natin "close".

kaya sa lahat ng nakasalamuha at nakasama na ng ADTREK sa anumang climb, maraming salamat at nawa'y di kayo madala at umulit pa kayo. sa lahat naman ng bumubuo ng grupo, ating ipagpatuloy ang nasimulang adhikain, ang palaganapin ang responsible mountaineering. let's continue "encouraging people to work in harmony with nature". anuman at saan man ang susunod na climb, kakayanin natin ito kung atin lamang paghahandaan, remember...

"height has nothing to do with it. it's your strength that counts"

story by: risk07
photo layout by: eyefocus